LOTERYA
ni Jay-r Dalida
"Sayang! Muntik na!", sigaw ni mang Berto habang nagbabasa ng resulta ng lotto.
Si mang Berto, 45-taong gulang. Nakagawian na niya ang tumaya sa lotto araw-araw.
"Ano na naman ba yang ingay na yan, papa? Nakasigaw ka na naman diyan.", singit ni aling Marta na nagsasampay nung oras na iyon. Si aling Marta ay 43-taong gulang. Kulot ang buhok at medyo may katabaan.
"Hindi. Wala yon.", sagot ni mang Berto. "Dalawa lang kasi ang lumabas sa mga inaalagaan kong numero sa lotto. Sayang nga eh."
"Asus! Akala ko naman kung ano na yan!", tugon ni Aling Martha. "Lagi namang ganyan eh. Kung hindi dalawa eh isa lang ang lumalabas. Aminin mo na kasi na hindi ka talaga suwerte sa sugal. Taya ka ng taya, wala namang nangyayari. Kung inipon mo na lang sana yang mga pinantaya mo." dagdag pa nito.
Sumagot naman si Mang Berto, "Aba, Martha! Hindi mo alam kung kailan ka dadalawin ng suwerte! Malay mo bukas, manalo na ako!", sabay higop sa kanyang kape.
"Ilang taon mo na bang inaalagaay yang mga numero na yan?", usisa ni aling Martha.
"Mga tatlong taon na din. Lagi nga lang isa o dalawa ang lumalabas dito eh. Pero suswertehin din ako.", sagot ni mang Berto na malakas ang kumpiyansa sa kanyang mga alagang numero.
"Sige. Maniwala ka lang. Malay mo manalo ka sa taong 2030!", kantyaw ni aling Martha.
"Makikita mo din, mama.", malambing niyang sagot sa kanyang asawa na nagsasampay.
Lumipas ang isang taon. Patuloy pa rin sa pagtaya si mang Berto sa lotto gamit ang kanyang mga inaalagaang numero. Pero ganoon pa rin. Walang suwerte.
"Ano ba yan! Wala man lang lumabas maski isa!" bungad ni mang Berto habang hawak ang diyaryo papasok sa bahay nila.
"Sabi sa'yo eh!" Palitan mo na kasi yan!" kantiyaw ni aling Martha habang kumakain ng tasty.
"Pag-iispan ko yan. Tutal apat na taon ko nang inaalagaan ito at matumal namang lumabas ang mga numero. Siguro pangit nga ang mga kombinasyon ng numero.", malungkot na sagot ni mang Berto.
Kinabukasan, ganoon pa rin. Isa lang ang lumabas sa inaalagaan niyang mga numero. Kinahapunan, pumunta si mang Berto sa tayaan ng lotto upang tumaya. Pagdating sa kanilang bahay ay nakita siya ni aling Martha na masaya.
"Oh! Nakangiti ka yata?" usisa nito.
"Wala lang. Kutob ko kasi mananalo ako ngayon sa lotto.", masayang sagot nito sa kanyang asawa.
Kinabukasan, si aling Martha ang nakakuha ng diyaryo.
"Aaaaaay! Papa! Papa! Daliiiii!", sigaw ni aling Martha habang tumatakbong pumasok sa loob ng kanilang bahay.
"Ano ba yun? Para ka naman nakakita ng taong nasagasaan sa tapat ng bahay.", sagot ni mang Berto na kagigising-gising lang.
"Bakit hindi? Tignan mo itong diyaryo!", excited na ibinigay ni aling Martha ang diyaryo sa kanyang asawa. "Di ba yan yung mga numero na ilang taon mo nang inaalagaan? MAYAMAN NA TAYO!!!"
Nang makita ni mang Berto ang resulta ng lotto sa diyaryo, ayun nga ang mga numero na inaalagaan niya.
"Akala ko hindi na tatamaya yan! Mali pala ako, papa! Tiyaga lang pala dapat!", masayang sabi ni aling Martha sa kanyang asawa.
Hindi makagalaw si mang Berto. Hindi siya makapaniwala sa nakikita niya.
"Oh? Di ba dapat ay masaya ka? Mayaman na tayo!" sambit ni aling Martha sabay yakap sa kanyang asawa.
Napaupo si mang Berto sa upuan at namumutla.
"Mama, hindi. Pinalitan ko na ang mga numero na yan...
===========================
Orihinal na gawa ni Jay-r Dalida (http://jhaymagician.multiply.com)
Ika-20 ng Pebrero, 2010
1:50 pm
Friday, February 19, 2010
Maikling Kuwento: Loterya by Jay-r Dalida
Posted by Athrun at 4:53 PM
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment